Sa maliit na sala naming tulugan ng mga pusa, sa init nanaman ng tanghali, pinarurusahan ko ang aming lumang kompyuter. Hahayaan kong kumulo ang mga alambre niya’t bakal-bakal sa init ng panahon. Ipinundar ito ng aking tiya upang magamit ko sa pag-design at pagsusulat ng mga papel. Nakalulungkot na siyang tingnan ngayon. Bigla na lamang namamatay habang nag-susurf ng internet—sobrang bagal na kung magbukas ng window. Naghihingalo na nga siguro ang Pentium IV prosesor nito. Pinakalatest na modelong chip ito nung aming binili at ngayo’y napalitan na ng dual core, quad core, at kung ano pa mang core–sesqui core?
Nakakainis na siyang gamitin. Napakalayo niya sa makinang ginagamit ko sa opisina. Sino nga ba siya sa harap ng aluminum at glass na mukha ng aking iMac. Ngunit dito ako nagsunog ng kilay. Siya ang karamay ko sa mga gabing nagpupuyat ako sa mga cramming session. At noong mga panahong iyon hindi niya ako binigo.
Nais ko siyang bihisan, palitan ng lamang loob. Ngunit parang gusto ko na ng laptop.
Hindi pa ako naliligo simula kahapon. Pumasok ako sa opisina bilang pabor/suporta sa producer kong kaibigan. Ako ang gumawa ng poster ng bago niyang pelikula para sa Cinemalaya. Masaya naman ako sa resulta, sana’y may ibuga naman sa siyam pang kalahok sa papalit na film festival. Nakauwi na ako ng ala una ng umaga nag-internet hanggang alas tres at sinimulang basahin ang “Makinilyang Altar” hanggang makatulog sa sofa.
Hindi ko pa tapos basahin ang akda ngunit pangungunahan ko na ang oras para sabihing napakaganda nito. Ang aking propesor dati sa Panitikang Pilipino ay sumalat ng naratibong nais magreconcile sa mapait at matamis na mga alalala ng kaniyang kabataan, ang relasyon sa ina’t kapatid at higit sa lahat sa kaniyang ama ang tanyag na manunulat na si Rogelio Sicat. Napa-voyeuristic ng akdang ito. May mga parteng napakapersonal tulad ng araw na sinampal siya ng ama dahil pinakialaman niya ang gamit nito.
Si Prop Luna Sicat Cleto ang huling Humanities requirement ko nung ako’y nasa kolehiyo. Naging karangalan sakin na maging prop siya, at medyo naiinis ako sa mga cretin kong kamag-aral na parang wala lang ang fact na ito . Sa klase niya aking nabasa ang mga akdang naririnig ko lamang sa history books nung haiskul o elementarya…Tandang Basiong Macunat…Tanikalang Guinto (sa harap ng hukuman isang dulang mahiwaga may tatlong yugto)…Liwanag at Dilim—na naging napaka-inspiring saken—at di kalaunan naging paksa ng aking undergrad thesis.
Isa siyang manunulat tlgang maituturing. Sa silid naming sa CAL bldg. sa ikatlong palapag kami nagklaklase tuwing hapon dalawang beses sa isang linggo. Eccentric siyang prop, late pumasok sa klase kadalasan…ngunit lagi kong pinananabikan ang mga aral o mga katagang masasambit niya sa araw na iyon. Isang araw pumasok siya sa klase na halatang balisa…sa gitna ng kaniyang pagpapaliwanag sinabi niyang…Shet! am I making sense? Lagi akong nagtataas ng kamay kung humihingi siya ng opinion o sagot sa klase dahil naaaliw ako ng lubos sa paraan niya ng paghihimay ng aking kasagutan o nang iba pa sa klase.
Naalala ko yung araw na pinag-uusapan namin ang paggamit ng mga imahe sa pagsulat. At iminungkahi niya na gawin naming mas updated na o akma sa panahon naming ngayon ang mga ito. Naalala ko ang kaniyang halimbawa dahil natuwa ako dito: Tigang na Lupa…modernong konteksto—isang mangkok ng maming walang laman..
Naalala ko rin ang panahon na pinagusapan namin ang isang maikling kuwento “emerging literature” kung tawagin tungkol sa pakikibaka at paghihimagsik. May eksena doon sa kuwento na kung saan ang bida ay hinihabol para hulihiin at i-salvage (aktibista siya) at para magtago ay pumasok siya sa CR ng mga lalaki.
Medyo Malabo ang pagpinta sa eksenang ito ng kuwento symbolic kumbaga. Naalala ko ay parang lumuhod siya at tumanggap nang pagbababas sa loob ng cubicle.
Tinanong niya kami kung ano tingin naming sa parte na ito. Lahat kami’y may parehas na pagbasa—ang bida’y humihingi ng tulong o nagdasal. Ngunit sabi niya may ibang pagbasa siyang nakita at medyo nakangisi siya nang sabihin ito—
Doon ko na-gets na maaring lumuhod ang bida para tsumupa ng titi ng isang lalaki upang tumanggap ng “pagbabasbas”.
Ngunit sa tingin ko’y mas nagustuhan ng mga kaklase ko ang pagbasang nagdasal siya sa loob ng cubicle.
At sa tanghaling tapat na ito—sa pagbasa na kaniyang libro nagbalik ako sa mga panahong kumakain pako sa CASAA—nagugutom sa hapon dahil wala nakong pera pang meryenda—pawis at hinihingal na magbalik ng libro sa aklatan.
Masayang balikan, wala lang.
word on the street